PETISYON
Hunyo 29, 1999



IPAGLABAN ANG KARAGDAGANG PhP3,000 SWELDO PARA SA LAHAT!
IPAGTANGGOL ANG TRABAHO!

PhP3,000 across-the-board Salary Increase NOW!

ANG kasalukuyang kalagayan ng mga kawani sa pamahalaan ay nangangailangan ng nagkakaisang pagkilos ng buong publiko sektor upang kongkretong maipagwagi ang mga kahilingan at maipagtanggol ang demokratikong karapatan.

Malayung-malayo na ang agwat ng sweldong ating tinatanggap kung ihahambing sa batayan man ng pamahalaan na PhP13,000 kada buwan na kinakailangan ng isang pamilyang may anim na katao upang mabuhay. Sa ngayon, ang pinakamababang tinatanggap na PhP4,400 batayang sweldo o PhP8,000 karaniwang tinatanggap ay sapat lamang upang makatawid-gutom. Higit pang lumiliit ang halaga nito dahil sa mga ibinabawas pa gaya ng kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS), hulog sa Medicare/PhilHealth at PAG-IBIG fund at mga buwis.

Ang pinakahuling karagdagan sa sweldo ng mga manggagawa at kawani sa pamahalaan ay noon pang taong 1994 sa pamamagitan ng Salary Standardization Law II o SSL II. Malaon nang nilamon ang halaga nito dulot ng tuloy-tuloy na implasyon at pagdausdos ng halaga ng piso.

Makatarungan at napapanahon lamang kung gayon ang kahilingan para sa karagdagang PhP3,000 para sa lahat ng mga kawani sa publiko sektor.

Samantala, tumitindi ang atake sa ating trabaho dulot ng mga patakaran ng administrasyong Estrada na ipagpatuloy at higitan pa ang pangangayupapa ng nakaraang administrasyon sa dayuhang monopolyo-kapital at lokal na mga pulitiko at matatas na burukrata. Habang sinasalanta ang ating hanay, ipinapalit naman ang kani-kaniyang mga tauhan upang mas mapabilis ang pagpapatupad ng mga patakarang pabor sa kanilang interes.

Hindi maitatanggi na ang reorganisasyon ng burukrasya at pribatisasyon ay isinasagawa sa ganitong balangkas. Hindi upang paglingkuran ang interes ng mamamayan o mapabuti ang serbisyo-publiko kundi para sa ibayo pang pagbubukas ng bayan at mamamayan sa dayuhang pandarambong at pagsasamantala.

Kinakailangan na biguin natin at labanan ang mga iskemang ito na babale-wala sa ipinaglaban at ipinagtagumpay nating karapatan at katiyakan sa trabaho.

Kung kaya, KAMI, ang mga manggagawa at kawani sa pamahalaan ay naninindigan upang magkaisa at sama-samang kumilos:

1. Para ipaglaban ang kahilingang P3,000 karagdagang sweldo para sa lahat.

2. Ipagtanggol ang trabaho at iba pang karapatan.

Naniniwala kami na tanging sa pamamagitan ng aming pinagkaisang lakas lamang namin maipagwawagi ang karagdagang sweldo at maipagtatanggol ang aming trabaho.

Mula sa mga araw na ito, ay tuloy-tuloy kaming magsasagawa ng mga hakbang na maabot ng mga paliwanag at pag-aaral ang pinakamaraming bilang ng mga kawani upang mapagkaisa sila sa isyu. Sa pamamagitan ng aming kooperasyon at koordinasyon ay isasagawa namin ang iba't-ibang porma at antas ng mga pagkilos at para lalong palakihin ang mga mobilisasyon hanggang ang kahilingan sa karagdagang PhP3,000 sa buwanang sweldo para sa lahat ay maipagwagi.

PANGALAN __________________

OPISINA/AHENSYA_______________

LAGDA ________________________

paramihin at ipalaganap sa buong bansa. Ipadala sa COURAGE ang mga naipong pirma sa P.O. Box AC 84, Araneta Center, 1135 Cubao, Quezon City. Maaari ding i-klik ang PIRMA P3000 ONLINE

Statements



Homepage
What is Courage?
Position Papers
Statements
Public Sector Updates
Urgent Action
International Work
Getting in touch
Guestbook
Recommended Sites
Other Links