|
Feature |
||||||
Features |
||||||
Gabay
sa Paglulunsad ng Introduksyon: Ito ay pagpapayaman sa inilabas na dokumento sa Pagsusuri at Posisyon sa CNA (Memorandum Sirkular Bilang --, Serye ng 1996) na inaprubahan ng Pambansang Konseho (National Council) ng COURAGE. Batay sa pagsusuri at posisyon ay binuo ang gabay na ito upang mapagkaisa ang mga unyon sa mga layunin, mga batayang nilalaman, at kondukta sa paglulunsad ng CNA ayon sa pangkalahatang balangkas ng pagsusulong ng militante, progresibo, at makabayang unyonismo ng mga kawaning publiko. Mahalagang unawain ang CNA mula sa mga aral ng kasaysayan at kasalukuyang panahon sa konteksto ng buong kilusang manggagawa. Dito lamang natin makikita ang tamang pwesto nito sa tuloy-tuloy na pag-oorganisa; kung paano natin magagamit ang mga positibong aspeto nito para sa mga kawani; at kung paano magiging mapagbantay sa mga patibong nito na maaaring magdala sa atin sa mga maling tunguhin. Ano ang konteksto ng CNA? Ang CNA sa pampublikong sektor ang katapat ng Collective Bargaining Agreement (CBA) sa kilusang unyon ng mga mangagawa sa pribadong sektor na sumulpot sa panahon ng pagyabong ng dilawang unyonismo. Sa pananaw ng mga kapitalista at sa tulong ng pamahalaan ito ay isang mekanismo na naglalayong pahinain ang militansya ng kilusang welga ng mga manggagawa. Mula sa militansya at lakas ng mga manggagawa upang kamtin ang bawat kahilingan sa nakaraan, ipinihit sa pamamagitan ng CBA ang diin tungo sa isang proseso na mahaba at batbat ng samu't-saring balakid na naglalayong pahirapin ang mga pakikibakang unyon. Nagagawa din na itali o ipagbawal ang welga sa takdang panahon na umiiral ang CBA. Gayon din, sinasamantala ng manedsment at mga institusyon ng pamahalaan ang prosesong ito upang makabiyak sa unyon. Dito na rin umusbong ang napakalaking papel ng mga abogado sa negosasyon at pag-iral ng maling kalakaran ng korupsyon. Kung kaya't hindi kataka-taka na ang layunin ng pamahalaan sa pagtutulak ng CNA sa mga unyon sa sektor publiko ay upang maagapan ang inaamin nilang paglakas ng militansya sa hanay ng mga kawaning publiko. Inaasahan ng gobyerno na ang CNA ay parang "malamig na tubig" na magpapahupa sa nagiinit at mabilis na pagkamulat ng mga kawani sa paggamit ng kanilang lakas sa mga militanteng sama-samang pagkilos sa sektoral na antas. Sa madaling salita ay nais nilang biyakin ang nabubuong lakas ng sektor sa hiwa-hiwalay na usapan sa pagitan ng unyon at manedsment. Patibong ng pamahalaan ang CNA sa mga unyon kung ang mga ito ay aayon sa maling pananaw na ang CNA ay siyang pinakamataas na antas ng pakikibakang unyon. Pagtali sa prosesong hindi naman makasasagot sa mga batayang usapin ng sektor tulad ng sweldo, seguridad sa trabaho, at karapatan sa pag-uunyon. Ano ang esensya ng CNA para sa mga kawani at pag-uunyon? Sa esensya ay mas atrasado pa ang CNA sa CBA. Samantalang sa CBA ay maaaring ipagwagi ang napakahalagang usapin ng sahod at iba pang kongkretong benepisyo, sa CNA ay hindi man lamang pinag-uusapan ang mga ito. Nananatiling sa sektoral na labanan nakasalalay ang mga batayang usapin ng sweldo, seguridad sa trabaho, at pagkamit ng karapatan sa pagwewelga ng mga kawani. Ayon sa Executive Order No. 180, Serye ng 1987, at mga gabay (Implementing Guidelines) na inilabas para sa pagpapatupad nito, ang CNA ay isang proseso ng pag-uusap at pagbubuo ng mga kasunduan sa pagitan ng manedsment at unyon ukol sa mga usapin ng mga kawani na hindi itinatakda ng batas. Lumalabas na limitado ang negosasyon sa mga "peripheral issues" sapagkat batas ang nagtatakda ng sweldo, mga benepisyo lalo na para sa mga ahensyang ang pondo ay nagmumula sa General Appropriations Act (GAA), malawakang tanggalan ayon sa mga batas ng reorganisasyon at pribatisasyon, at kawalan ng batas para sa karapatang magwelga. Ang maaari lamang pag-usapan sa CNA ay ang sumusunod :
Kung susuriin ay walang nilalaman o bago sa mga nakalistang usapin para sa CNA. Lalo pat sigurado namang mangangailangan ng pondo upang ipatupad ang mga ito. Kung gayon ay nagbobolahan lamang ang unyon at manedsment kung magpapatali sa mga tanging isyus na inihanay. Maagang pa lamang o sa napakaikli pang karanasan sa pagpapatupad ng CNA ay tumingkad na kaagad ang kalabuan sa pagpapatupad nito at kaagad pinakita din kaagad ng CSC ang direktang pakikialam nito o pagpapawalang bisa sa mga nilalaman ng mga nasarhang CNA. Mabilis umaksyon ang CSC upang limitahan pa ang sobrang kitid na ngang hanay ng mga usapin na maaaring mapagkasunduan. Matapos kamtin sa CNA ng National Housing Authority-Consolidated Union of Employees (NHA-CUE) ang Limang Libong Pisong "signing bonus" ay inilabas ng CSC ang MC. No.05, serye ng 1996 para ipagbawal ang "signing bonus" bilang isa sa paguusapan sa CNA. Gayon din ay inilabas ang CSC ang MC No. 20, serye ng 1996, na nag-aamyenda sa mga CNA na ipinanalo ang ispesyal na karapatang pagliban sa gawain (leave of absence) para sa mga kawani. Gayon pa man ay dapat tayong manindigan at ipagtanggol ang mga kahilingang tulad nito na siyang nagbibigay kabuluhan sa ating pakikibaka sa CNA. Kung kaya't ang mga kahilingan sa "signing bonus" at ispesyal na pagliban (leave of absence ) lagpas sa itinakda ng CSC ay ipinaglaban at muli nating ipinagwagi sa CNA ng National Food Authority Employees Union (NFAEA). Ginagawa ding puhunan ng CSC at manedsment ang kawalan ng batas para sa karapatang magwelga at ang laksa-laksang mga balakid upang lalo pang pahirapin ang proseso. Dahil dito ay nagiging patibong ang pagpilit ng manedsment na ang CNA ay magkaroon ng "no strike clause". Dahil hindi naman maaaring mapag-usapan ang mga mahahalagang usapin sa sweldo, benepisyo, at seguridad sa trabaho ay hindi tayo kailanman dapat pumayag dito. Liban pa sa dahilang batas din daw ang magtatakda ng karapatan sa pagwewelga at hindi na rin dapat pa itong pag-usapan sa CNA. Dahil dito, nararapat lamang na mabigyan ito ng karampatang pagpapahalaga ang malalim na pag-aaral sa CNA, upang sa halip sa halip na maging kasangkapan ng manedsment ay magamit ito ng mga kawani para sa kanilang kapakinabangan at sa pagpapalakas ng unyon. Sa sektoral na antas ay nararapat ang kasabay na kampanya upang tuligsain at patigilin ang CSC sa hindi makatarungan nitong pakikialam sa mga napagkasunduan na ng dalawang panig (unyon at manedsment) matapos na lagdaan nila ang CNA katulad ng paglalabas ng CSC ng batas o alituntunin upang bawiin ang mga naipagwagi na ng unyon sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos. Ito ay isang paglapastangan sa hirap at puspusang pagpupursigi ng mga kawani para sa kanilang kagalingan sa pamamagitan ng unyonismo. Ano ang ating Linya at Pakikitungo sa CNA? Dapat natin panghawakan ang kahalagahan ng mga labanang sektoral na kung saan natin makakamit ang pinakamahahalagang usapin ng pagtataas ng sweldo at mga makabuluhang benepisyo, pagtatanggol sa ating kaseguruhan sa trabaho, at kung saan natin maipagwawagi ang karapatang magwelga bilang esensya ng karapatan sa pag-uunyon. Subalit sa gitna nito ay kailangan nating laging isaisip na ang ating lakas sa sektoral na antas ay nakabatay sa tuloy-tuloy na paglawak at pagkamit ng solidong lakas ng bawat unyon. Ang militansya ng sektor ay bunga ng militansya ng mga kawani at unyon ng mga kawani sa batayang antas. Sa balangkas na ito natin magagapi ang layunin ng pamahalaan na ang CNA ay gamitin upang pahupain ang ating mga sektoral na pakikibaka. Kailangang baligtarin ang plano nilang itali tayo sa itinakda nilang walang saysay na mga usapin sa loob ng CNA. Dapat nating biguin ang iskemang sapilitang isinusubo ang unyon sa CNA bilang kondisyon ng pagkilala o kaya ay isalang tayo sa mga Certification Election (CE) at ilusot ang mga dilawan o "management unions". Upang makamit ito, dapat ay aktibo nating itulak ang mga positibong bahagi at hangganan ng mekanismo ng CNA upang kamtin ang mga pinakamainam na benepisyo para sa mga kawani at pagpapalakas ng unyon. Sa kabilang banda ay maging mapagbantay at bakahin ang mga negatibo at makakapinsalang aspeto nito tulad ng pagiging pasibo ng proseso at pagsulpot ng korupsyon. Itatakda natin ang mga sumusunod bilang mga batayang layunin sa paglulunsad ng CNA:
Ano ang mga dapat na nilalaman at mga dapat imaksimisa sa CNA? Sa pagbubuo ng nilalaman ng CNA ay ginagabayan tayo ng prinsipyong kamtin ang maksimum para sa kapakanan at kagalingan ng mga kawani at mahigpit na pag-iiba ng interes ng unyon sa manedsment, at kabuuang makinarya ng pamahalaan ayon sa balangkas ng militante, progresibo, at makabayang unyonismo.
Huwag na huwag din sumang-ayon o magbukas sa pagiging "watchdog" laban sa "graft and corruption" lalo na upang maging tagapagbantay ng mga kapwa kawani o tagapagpatupad ng mga polisiya laban sa kawani. Magiging daan ito upang ang unyon ay kumilos bilang instrumento ng manedsment laban sa mga kawani, pundamental na nilalabag nito ang esensya ng unyon bilang tagapagtanggol ng mga kasapi at lahat ng kawani.
Paano inilulunsad o kinokondukta ng CNA? Ang CNA bilang mekanismo upang kamtin ang ilang mga kahilingan ay dapat lamang ilunsad bilang bahagi o sa balangkas ng pakikibakang masa ng unyon. Bilang kampanya ito ay dapat langkapan ng mga nararapat na elemento upang malawakang makalahok ang mga kasapi sa pagbuo ng mga kaisahan, mga pagkilos sa panahon ng negosasyon, at pag-aaral. Ang proseso ng CNA ay dapat din maging tuntungan upang ang unyon at mga kawani ay mamulat at lumahok sa mga sektoral na pakikibaka at mga pagkilos na multi-sektoral sa mga pambayang usapin. Sa kabuuan, ang paglulunsad ng CNA ay isang paraan sa tuloy-tuloy na pagpapalawak at pagkokonsolida ng unyon.
|
Features |